1. Sabihin mo ito:
“Araw-araw, nakikipag-usap tayo sa mga tao sa iba’t ibang kadahilanan. Kung paano tayo makipag- usap ay depende sa kung sino ang kausap natin, at kung bakit tayo nakikipag-usap sa kanila. Puwede nating piliing maging positibo sa komunikasyon natin. Ibig sabihin, may respeto tayo sa kausap natin. Puwede ring negatibo ang pakikipag-usap natin. Pero siguradong masama ang magiging pakiramdam natin pagkatapos makipag-usap.“
“Ang ‘positive’ communication ay isang uri ng komunikasyong nagbubunga ng mas positibong sagot o reaksyon mula sa taong kausap mo. Kaakibat dito ang pakikinig at pagtugon sa anuman ang sinasabi ng kausap mo. Ang ‘negative’ communication naman ay gumagamit ng mga salitang “hindi puwede,”“ayoko” at “hindi ‘yan mangyayari.” Kaakibat dito ang hindi nakikinig sa kausap mo, at tumutugon ka sa agresibo o hindi naaangkop na paraan.”
2. Itanong mo ito:
“Ano sa palagay ninyo ang pagkakaiba ng “positive” at “negative” communication?”
Maaari mong isulat sa flipchart ang mga sasabihin ng mga participant.
POSITIVE | NEGATIVE |
Mas maganda ang pakiramdam mo sa sarili | Masama ang pakiramdam mo sa sarili mo |
Mas nagbubukas ang linya ng komunikasyon | Sinasarado ang linya ng komunikasyon |
Parang mas gusto mo pang makipag-usap sa taong kausap mo | Mas gusto mong huwag nang pansinin/dedmahin ang kausap mo |
Mas nakakatulong | Mas nakakasakit |
Sinasabi sa kalmadong paraan | Pasigaw at naninisi ang tono |
2. Itanong mo ito:
“Bakit natin kailangan ng positive communication sa ating mga adolescent na anak?”
(Huminto muna dito at pakinggan ang mga sagot ng mga participant.)
Posibleng Sagot
• Kailangang maramdaman ng mga adolescent nating anak na may nagmamahal, nagtitiwala, at sumusuporta sa kanila.
• Kapag maganda ang pakiramdam nila sa sarili nila, lumalaki ang mga adolescent na mas may kumpiyansa sa sarili, at mas kaya nilang protektahan ang sarili mula sa anumang panganib.
• Kapag bukas ang mga linya ng komunikasyon, mas magkokonsulta ang mga adolescent sa kanilang mga magulang para matulungan silang makagawa ng mas mainam na desisyon.
• Kapag gumamit ng positive communication ang mga magulang, nagiging magandang role model sila para sa mga anak nila.
Sa session nating ito, ang tatalakayan natin o pag-uusapan ay patungkol sa kung paano tayo nakikipag-usap or nakiki-pag-communicate sa ibang tao lalo na sa ating mga VYAs. Magaganda ang mga activities natin dahil puno tayo ng games ngayon tulad ng roleplaying.