Objectives | • Maintindihan ng mga magulang/guardian ng VYA ang iba’t ibang paraan ng pakikipag-usap sa iba. • Mapabuti ang kakayahan ng mga magulang/ guardian ng VYA sa paglalahad ng nararamdaman nila sa positibong paraan. • Matutunan ng mga magulang/guardian ng VYA ang konsepto ng active listening. |
Description | Role playing, brainstorming |
Materials | Wala |
Oras | 75 minutes |
Pagpapakilala sa assertiveness o paninindigan
1. Ipaliwanag ang konsepto ng paninindigan.
Ipaliwanag mo na kailangan nating lahat ng kakayahang maipahayag ang ating mga pangangailangan at karapatan sa relasyon natin sa mga kaibigan, kapamilya, katrabaho o boss, at sa ating mga VYA na hindi tayo nagiging marahas o agresibo. Ipakita mo ang pagkakaiba sa sumusunod na tatlong paraan ng pakikipag-usap sa ibang tao:
- Agresibo: Kapag ang tao ay nagpapahayag ng kanilang nararamdaman at opinyon sa paraang nangangastigo, nagbabanta, naniningil, o marahas. Naninindigan nga ang taong ito para sa kanyang karapatan, pero hindi niya binibigyang-halaga ang karapatan ng kausap niya. Ganito ang dating: “Ito ang gusto ko. Hindi mahalaga ang gusto mo!”
- Naninindigan: Kapag ang tao ay naghahayag ng kanyang nararamdaman, pangangailangan, lehitimong karapatan o opinyon pero hindi nagiging mapangkastigo o mapagbanta at hindi siya nanghihimasok sa karapatan ng iba. Ganito ang dating: “Nirerespeto ko ang sarili ko at nirerespeto rin kita.”
- Mapagpakumbaba: Kapag hindi nagagawang ipahayag ng tao ang kanyang nararamdaman, pangangailangan, opinyon, o kagustuhan, o kaya’y inihahayag niya ito sa hindi diretsong paraang. Ganito ang dating: “Mahalaga ang kagustuhan mo; pero ang sa akin ay hindi, kaya huwag mo na akong alalahanin.”
Mas makakatulong kung magbibigay ka ng halimbawa para mas maipaliwanag ang pagkakaiba ng agresibo, mapagpakumbaba, at naninindigan. Gamitin ang scenario na ito para makatulong: si Jose ay 11 taong gulang at gustong manood ng TV, pero gusto ng nanay niyang maghugas muna siya ng mga pinagkainan.
• Maaaring ganito ang agresibong sagot: “Kahit kailan, di mo ginagawa ang gusto ko! Makasarili ka! Ang tigas talaga ng ulo mo. Bakit ba hindi ka makapaghugas ng mga pinggan ngayon na! Ako ang nanay mo, ako ang masusunod!”
• Maaaring ganito ang mapagkumbabang sagot: “Sige, ako na lang mag-isa ang maghuhugas ng mga pinggan.”
• Maaaring ganito ang naninindigang sagot: “Alam ko paborito mong programa iyan, kaya okay lang bang panoori muna natin iyan ngayon, tapos mamaya, maghugas ka na ng pinggan? Pangako, sa susunod, ikaw ang unang pipili sa susunod.
2. Ipagpares mo sila at papiliin ng isang scenario na naranasan nila dati kasama ang kanilang VYA.
3. Kailangan nilang gawin ang sitwasyon kung saan ang isa sa kanila ay ang karakter na may ipinipilit ipagawa ang isa pang karakter.
Gagampanan nila ang ekseka nang tatlong beses para maipakita ang sagot na agresibo, sagot na mapagkumbaba, at ang sagot na naninindigan.
4. Sabihin sa bawat pares na ipakita nila ang eksena nila.
5. Pag-usapan ninyo kung bakit tila mahirap manindigan sa ibang sitwasyon at bakit sila nagiging agresibo o mapagkumbaba.
Pagpapaliwanag ng nararamdaman mo
1. Ipaliwanag kung paano sabihin ang kanilang nararamdaman.
Ipaliwanag mo na ang naninindigan ay nagagamit kapag may awayan o problema sa relasyon na kailangang ayusin. Nagagamit din ito kapag gusto mong ipaalam sa ibang tao kung ano ang nararamdaman mo, ang kagustuhan mo, pangangailangan, hinahangad o alalahanin. Kapag kinakaharap natin ang stress o mga pagsubok sa relasyon, makakatulong kung masasabi natin sa mga tao kung ano ang nararamdaman natin habang nakokontrol pa rin natin kung paano natin ipinapahayag ang ating mga emosyon. Magagawa ito sa paraang may respeto pa rin sa paggamit ng “I” statement. Sa “I” statement, inaari natin ang pakiramdam, ipinapaliwanag natin ang pakiramdam, at nagsasabi tayo ng kahilingan.
2. Ang sumusunod na format ng pagpapahayag ay makakatulong sa paggawa ng “I” statement.
Mabigay ng halimbawa tulad ng:
- Pakiramdam ko, hindi mo pinahahalagahan kung paano ako naapektuhan ng mga bagay-bagay kapag hindi mo pinakikinggan ang side ko ng kuwento, kaya puwede kayang hayaan mo muna akong magpaliwanag kung ano ang nangyari mula sa side ko.
- Kapag mabilis kang magmaneho, natatakot ako na baka mabangga tayo, kaya puwede bang pakibagalan naman.
- Kapag may sinasabi ako sa iyo anak, nalulungkot ako, kasi feeling ko, hindi mo ako pinapakinggan.
3. Ipagpares-pares ang mga grupo.
Sabihin mo na magtulong-tulong sila sa paggawa at pagpraktis ng “Naninindigan” na “I” Statement na konektado sa buhay nila. Isulat mo ang mga halimbawa ng format at ipaskil para nakikita nila ito at magsilbing gabay sa kanila.
4. Humingi ng volunteers na nais magbahagi ng kanilang mga statement sa grupo.
Puwede ring sabihin sa kanilang itanghal na lang nilang lahat ang isa sa kanilang “I” Statement, tapos tanungin ang grupo kung ano ang masasabi nila rito:
“May paninindigan ba ang karakter dito? Ano ang epektibo sa ginawa nila? Ano sa ginawa nila ang puwede pang ayusin?”
Aktibong Pakikinig
1. Ipaliwanag ang konsepto ng aktibong pakikinig.
Ipaliwanag na ang active listening o aktibong pakikinig ay isang mahalagang strategy na magagamit sa pagsuporta sa mga kaibigan natin kapag may pinagdaraanan sila sa buhay.
2. Isulat ang salitang “active listening” sa board o manila paper.
Ipaliwanag mo na technique ito sa pakikinig na sinusuportahan ang isang tao.
Sa “Active listening” ay ibinubuod ng nakikinig ang lahat ng sinabi ng kausap niya ayon sa sarili niyang salita at interpretasyon. Kapag may mali sa pagkakaintindi niya, puwede siyang itama ng nagsalita. Ipinapakita rin nito sa nagsalita na naintindihan ng kausap niya ang mga sinabi niya. Puwede rin itong gamitin ng nagsalita bilang paraan ng paglilinaw ng kanyang iniisip o sinusubukang sabihin. Dinisenyo ang paraang ito para makaramdam ang nagsasalita ng respeto at pag-unawa sa kanya.
3. Sabihin sa kanilang mag-pares-pares para subukan ang active listening.
Si Tao A ang nagsasalita, si Tao B ang aktibong makikinig. Mag-iisip si Tao A ng bagay na gusto niyang ireklamo. Kukumustahin siya ni Tao B, tapos magsisimulang magreklamo si Tao A, at susubukan ni Tao B ang paraan ng aktibong pakikinig.