| Objectives | • Maintindihan ang konsepto ng positive discipline • Malaman kung paano ito iapply sa pang araw-araw |
| Description | • Pagkatuto sa maliliit na grupo, diskusyo |
| Material | • Mga Karapatan ng Bata poster • Building Blocks of Positive Discipline poster • Music na nakaka relax o pang meditation (optional) • Positive Discipline Tips |
| Oras | 75 na minuto |
Instructions
1. Sabihin mo ito:
“Pag-uusapan naman natin ngayon ang pagdidisiplina natin sa ating mga VYAs. May tamang pamamaraan nga ba?”
2. Itanong mo ito:
“Ano ang ibig sabihin ng ‘disiplina’ para sa inyo?”
(Huminto muna dito at pakinggan ang mga sagot ng mga participant.)
Sabihin mo ito:
“Para sa maraming magulang, ang ibig sabihin ng disiplina ay papagalitan at papaluin ang mga anak. Pero ito ay tinuturing na physical abuse at lumalabag ito sa karapatan ng mga bata. Ang ibig sabihin ng ‘disiplina’ ay hindi parusa. Ang ibig sabihin talaga ng ‘disiplina’ ay ‘pagtuturo’. Malapit ito sa salitang ‘disipulo’ o ‘disciple’. Sa halip na manakit tayo sa pisikal o emosyonal na paraan para magbago ang ugali ng mga anak natin, puwede tayong humanap ng paraang makakapagturo sa kanila na maging mas matagumpay, ‘yung nagbibigay ng impormasyon, at sinusuportahan ang kanilang paglaki. Ang tawag dito ay ‘Positive Disicpline’.”
(Huminto muna dito at sagutin sila kung may mga katanungan.)
3. Itanong mo ito:
“Ano ang pinagkaiba ng parusa at positibong pagdidisiplina?”
(Huminto muna dito at pakinggan ang mga sagot ng mga participant.)
Sabihin mo ito:
“Sa parusa, binibigyang-diin nito kung ano ang nagawang mali ng anak niyo. Pero sa positive discipline, binibigyang-diin dito na gusto naman ng anak niyo na magkaroon ng mabuting asal, pero kailangan niya ng tulong kung paano ito maiintindihan. Ang pinapahiwatig kasi ng parusa ay dapat magdusa ang mga bata para mas maintindihan nila kung bakit masama ang ginawa nila, para din matakot silang ulitin iyon. Ang prinsipyo naman ng positive discipline ay mas natututo ang bata sa pakikipagtulungan at pagkakaroon ng pabuya kaysa sa pag- aaway o sa parusa. Ang ideya dito, kapag maganda ang pakiramdam ng bata sa sarili niya, mas bubuti ang asal niya. Pero kung masama ang pakiramdam niya sa sarili niya, mas sasalbahe ang asal niya. Ang Positive Discipline ay mula sa Mga Karapatan ng Kabataan.”
Kinikilala ng Convention on the Rights of the Child ang mga magulang bilang may pangunahing papel sa pagpapalaki ng mga bata. Ang mga magulang ang pinakamahalagang guro, role model, at gabay nila. Pero hindi pag-aari ng mga magulang ang mga anak nila.
4. Itanong mo ito:
“Paano natin puwedeng ma-apply ang Child Rights o Karapatan ng Bata kapag tinuturuan natin ang mga anak natin?”
(Huminto muna dito at pakinggan ang mga sagot ng mga participant.)
Sabihin mo ito:
“Ang positive discipline ay batay sa karapatan ng mga batang magkaroon ng mas maunlad na pagpapalaki, proteksyon mula sa karahasan, at makasali sa kanilang pagkatuto. Batay ito sa ideyang wala naman talagang salbaheng bata, pero meron lang mabuti at masamang asal. Ipakita sa participants ang poster ng Building Blocks ng Positive Discipline.”

Sabihin mo ito:
“Kapag gumagawa tayo ng building, tulad ng eskuwelahan o health center, gumagamit tayo ng hollow blocks o ladrilyo. Hindi maaabot ang taas kung hindi matatag ang pundasyon. Katulad nito ang Building Blocks ng Positive Discipline. Ang positive discipline ay isang set ng mga prinsipyong puwedeng magamit sa iba’t ibang uri ng sitwasyon. Batay ito sa apat na prinsipyo ng pagiging epektibong magulang:”
- Pagtukoy ng long-term goals o pangmatagalang layunin. Tulad ng building, kailangan magsimula tayo sa plano at malinaw dapat ito.
- Pagbigay ng kalinga (warmth) at gabay (structure). Ito ang parang mga kagamitan sa pagpapatayo ng building.
- Pag-unawa at pag-alam kung paano mag-isip at makaramdam ang mga adolescent. Para naman itong mga materyales. Kailangan natin ng kumpleto at tamang kaalaman tungkol sa paano mag- iisip at makaramdam ang kabataan.
- Paglutas ng problema. Ito naman ‘yung mga kailangang tugunan sa pang-arawaraw. Para mas maintindihan natin ito, talakayin natin ang lahat ng building block, isaisa mula sa ilalim.
Pagtukoy ng Iyong Pangmatagalang Layunin
1. Sabihin mo ito:
“Isipin natin ang pangmatagalang layunin natin para sa ating mga anak. Ang mga panandaliang layunin ay puwedeng tumutukoy sa pagtatapos nila ng pag-aaral, pero bakit ba natin sila gustong makatapos? Dahil ba sa gusto natin silang magkaroon ng magandang trabaho? Bakit natin sila gustong magkaroon ng magandang trabaho? Dahil ba sa gusto natin silang magkaroon ng kakayanang sumuporta ng sarili nilang pamilya? O dahil gusto natin silang maging mabubuting magulang? Ito ba ang kinakailangan para maging mabuting magulang? Paano kaya sila magiging mabuting magulang? Ano ba talaga ang ating pangmatagalang plano para sa kanila? Tanungin ninyo ang sarili niyo,‘Anong klaseng tao ba ang gusto kong maging ang anak ko paglaki niya?’”
2. Sabihan ang mga participants na ipikit ang kanilang mga mata at isipin ito:
(Kung may music kang banayad na nakakakalma, ipatugtog mo na ito sa bahaging ito.)
Dahan-dahan at isa-isa mong tanungin ang mga ito:
“Malaki na ang mga anak ninyo. Magse-celebrate na kayo ng kanyang 20th birthday.“
- Ano na kaya ang magiging hitsura ng anak ninyo sa edad na iyon?
- Ano na kayang klaseng tao ang anak ninyo sa edad na iyon?
- Huwag niyong isipin kung ano ang trabaho niya o ano na ang narating niya. Isipin niyo kung anong mga katangian ang gusto niyong magkaroon sila bilang tao, ano ang pagkatao nila?
- Anong uri ng relasyon ang gusto niyong magkaroon sa anak ninyo sa edad na iyon?
“Ngayon, dahan-dahan niyo namang imulat ang inyong mga mata, pagbilang ko ng isa, dalawa, tatlo.”
Magtawag ng gustong mag-volunteer na magkukuwento ng kanilang naisip.
3. Sabihin mo ito:
“Ang mga pangmatagalang layunin ay ang nais ninyo bilang magulang na marating sana ng mga anak ninyo sa kanilang paglaki. Iba ito sa pagpaplano kung ano ang magiging trabaho nila o sa paghahandaang pinansiyal na plano, dahil sila dapat ang magdedesisyon sa mga bagay na ito. Mas tungkol ito sa kung anong klaseng tao mo sila gustong maging, at anong mga katangian ang meron sila. Ilang halimbawa ay ang sumusunod:”
- mabait at matulungin
- maalalahanin at magalang
- mahusay na nagdedesisyon
- tapat at mapapagkatiwalaan
- nauudyok na maalpasan ang mga
- may kumpiyansa sa sarili
- hindi marahas
- maalaga sa iyo
- mapagmahal na magulang
- responsable
4. Sabihin mo ito:
“Nagiging modelo sa mga anak natin ang reaksyon natin sa mga pansamantalang sitwasyon. Natututo sila sa paraan natin ng pagharap sa stress. Kung naninigaw at nananakit tayo kapag stressed tayo, ito rin ang paraang matututunan nila. Madalas, ang reaksyon ng mga magulang sa mga pansamantalang nakakadisappoint na sitwasyon ay nagiging hadlang sa kanilang pangmatagalang layunin. Ang paninigaw at pamamalo ay taliwas sa gusto ninyong ituro sa mga anak ninyo sa pangmatagalang panahon.“
Pagbigay ng kalinga (warmth) at gabay (structure)
1. Sabihin mo ito:
“Ngayong napag-isipan na natin ang ating mga pangmatagalang layunin, pumunta naman tayo sa dalawa pang building blocks, ang pagbibigay ng kalinga at gabay. Ang kalinga (warmth) ay pagbibigay ng suporta, pag-aruga, at pagmamalasakit sa pakiramdam ng kabataan. Ang gabay (structure) ay pagbibigay ng klarong gabay o sistema at pagpapaliwanag ng mga dahilan sa mga patakaran. Bakit mahalaga ang kalinga at gabay? Sinabi natin kanina na ang ibig sabihin ng “disiplina” ay “pagtuturo”. Magkunwari tayo ngayon na mag-aaral tayo ng bagong lingguwahe.”
2. Paupuin ang mga participant na paikot sa isang bilog.
Pumili ng isang tao at itanong sa kanya ang unang tanong. Matapos niyang sumagot, pumili ka ng ibang tao at siya naman ang tanungin mo, hanggang matanong ang lahat.
- Mas madali mo bang matututunan ang bagong lingguwahe kung ang guro mo ay:
- sinasabi sa iyo kung tama ang ginagawa mo, o
- sinasabi sa iyo ang mga mali mo lang na ginagawa?
- Mas madali ka bang matututo kung nararamdaman mong:
- ligtas ka sa presensiya ng guro mo, o
- takot kang papaluin ka niya kung magkakamali ka?
- Mas madali ka bang matututo kung iisipin mong:
- hindi ka iiwan ng guro mo at susuportahan ka niya kahit ilang mali ang magawa mo, o
- aalis siyang galit dahil sa may nagawa kang mali?
- Mas gusto mo bang mapatuwa ang guro na:
- mabait at maunawain, o
- naninigaw, at ipinapahiya ka at pinupuna ka?
- Gugustuhin mo bang kausapin ang guro mo kapag may problema ka kung inaasahan mong:
- makikinig siya at tutulong, o
- magagalit siya at paparusahan ka?
- Mas matututo ka ba kung ang guro mo ay:
- ipapakita muna kung paano mag-spell ng bagong salita at ituturo sa iyo ang mga patakaran ng spelling, o
- umaasang makukuha mong mag-isa kung paano mag-spell ng bagong salita, at paparusahan ka na lang niya kung magkakamali ka?
- Mas matututo ka ba kung ang guro mo ay:
- magbibigay sa iyo ng impormasyong kailangan mo para makapasa sa test, o
- hindi magbibigay sa iyo ng impormasyong kailangan mo, tapos magagalit pa kapag bumagsak ka sa test?
- Mas gusto mo bang mapatuwa ang guro na:
- kinakausap ka tungkol sa mga pagkakamali mo at ipapakita sa iyo kung paano mo maiiwasang magkamali sa susunod, o
- papaluin ka lang kapag nagkamali ka?
- Gugustuhin mo bang matuto ng marami pang bagong lingguwahe kung ang guro mo ay:
- magbibigay sa iyo ng tips, abiso, at hihikayatin kang magpursige, o
- sasabihin lang na hindi ka naman matututo?
- Gugustuhin mo bang kausapin ang guro mo kapag may prublema ka kung inaasahan mong:
- susubukan niyang intindihin kung bakit ka nahihirapan, at tutulungan ka niyang makahanap ng bagong paraan para matuto, o
- magagalit siya sa iyo at paparusahan ka?
Dapat ay puro 1 ang lahat ng kasagutan.
3. Sabihin mo ito:
“Maraming paraan kung paano maipapakita ng isang magulang ang pagkalinga at paggabay.”
4. Ipamigay ang Positive Discipline Tips at basahin ito
Sa bawat halimbawa, tanungin ang participants kung sino ang ginagawa ito. Lagyan nila ng tsek sa handout nila ang mga bagay na ginagawa na nila.
Positive Discipline Tips
Instruction:
Lagyan ng tsek ang mga bagay na ginagawa mo na sa adolescent mo
Magbigay ng kalinga (warmth) sa pamamagitan ng:
- Pagsabi ng “Mahal kita.”
- Pagpapakitang mahal mo pa rin ang anak mo kahit may nagawa siyang pagkakamali
- Pagbasa ng libro sa kanila
- Pagyakap sa kanila
- Pagpapaginhawa ng pakiramdam nila kung sila ay nasaktan o natatakot.”
- Pakikinig sa kanila
- Pagtingin sa sitwasyon mula sa pananaw nila
- Pagpuri sa kanila
- Pakikipaglaro sa kanila
- Pakikipagtawanan sa kanila
- Pagsuporta sa kanila kapag may kinakaharap silang pagsubok
- Paghikayat sa kanila kung may kailangan silang gawing mahirap na bagay
- Pagsabi sa kanilang pinaniniwalaan mo sila
- Pagkilala sa pagsisikap at mga pagkapanalo nila
- Pagpapakita sa kanilang pinagkakatiwalaan mo sila
- Pagiging masaya kasama sila
Magbigay ng kalinga (warmth) sa pamamagitan ng:
- Paghahanda sa kanila kapag mapapasabak sila sa mga mahihirap na sitwasyon. Kausapin sila tungkol sa kung ano ang maaaring maganap at kung paano nila makakayanan ito
- Pagpapaliwanag ng mga dahilan kung bakit may mga patakaran
- Pakikipag-usap sa kanila tungkol sa mga patakaran, at pakikinig sa kanilang pananaw dito.
- Pagtulong sa kanila para makahanap ng paraang maayos ang mga pagkakamali nila; dapat ay matututo sila sa mga paraang ito
- Pagiging patas at pakikibagay sa sitwasyon
- Pagkontrol sa galit
- Pagpapaliwanag ng sarili mong pananaw at pakikinig sa pananaw ng anak mo
- Pagtuturo sa kanila ng magiging epekto ng kanilang mga kilos sa ibang tao.
- Pagbigay sa kanila ng impormasyong kailangan nila para makagawa ng mabubuting desisyon
- Pakikipag-usap sa kanila nang madalas
- Pag-iwas sa pagbabanta ng pamamalo, pagbawi ng pagmamahal, o iba pang bagay na kinatatakutan ng mga anak
- Pagiging isang positibong role model at gabay
Pag-intindi kung paano mag-isip at makaramdam ang mga bata
1. Sabihin mo ito:
“Pumunta naman tayo sa susunod na building block ng positive discipline, ang pag-intindi kung paano mag-isip at makaramdam ang mga adolescent. Paguusapan sa susunod na Session tungkol sa pisikal at emosyonal na pagbabagong pinagdaraanan ng mga lumalaking edad 10-14 na adolescent. Na siyang dahilan kung bakit iba ang mga values, pag-uugali, at pinipili nilang mga bagay sa panahong ito. May dahilan ito sa kanilang brain development.”
“Lagi natin itong tandaan para maintindihan natin kung paano mag-isip at makaramdam ang mga adolescent. Isang malaking hamon sa pagiging magulang sa panahong ito ang mapanatili ninyong ligtas ang anak ninyo habang nirerespeto ninyo ang lumalaki nilang pangangailangan ng independence o pagiging malaya.“
Paglutas ng Problema
1. Sabihin mo ito:
“Sa panghuli, pag-usapan natin ang mga mapanghamong sitwasyon na puwedeng makaharap ng mga adolescent. Magbabasa ako ng isang scenario, tapos sabihin ninyo kung alin sa tatlong pagpipilian ang mas tamang paraan sa paglutas ng prublema.“
2. Basahan ito sa grupo:
“Nagdadabog na umuwi galing sa eskuwelahan ang anak mo. Ayaw ka niyang kausapin at galit ang tono ng boses niya. Ano ang gagawin mo?”
- Sabihin mo sa kanyang hindi siya makakapaghapunan hangga’t hindi ka niya kakausapin.
- Sampalin mo siya dahil bastos siya.
- Sabihin mo na napansin mong ‘bad trip’ siya. Ipaalam mo sa kanyang handa kang makinig at susubukan mong tumulong kung handa na siyang makipag-usap. Kung kakausapin ka niya, makinig ka nang mabuti at tulungan mo siyang makahanap ng solusyon sa pinuprublema niya. Kapag mas okey na ang pakiramdam niya, ipaliwanag mo sa kanyang importante pa rin sa mga tao na respetuhin ang kapwa kahit na may bumabagabag sa kanila. Maging modelo ka ng konseptong ito sa kanya
3. Pag-isipan ninyong mabuti ang mga sumusunod na sagot
Piliin ninyo ang pinakamainam na tugon, at pag-isipan ninyo kung bakit ito ang tama. Alin sa mga tugon na ito ang tutulong sa inyong marating ang pangmatagalang plano ninyo? Ang sagot ay (3).
4. Basahin ito sa grupo:
“Hindi mo pinapayagang lumabas sa gabi ang mga anak mo sa mga araw na may pasok. Sinabi ng anak mong lalaki na kailangan nilang mag-overnight sa bahay ng kaklase niya dahil may gagawin silang class project. Sa paglaon, nalaman mong pumunta pala sila sa kabilang barangay at nag-videoke bar sila, nag-inuman at nagkantahan. Ano ang gagawin mo?”
- Sabihin mo sa kanya na ang pagsisinungaling sa magulang ay ang pinakamasamang magagawa ng isang anak, at hindi na magiging tulad ng dati ang relasyon ninyo. Sabihin mong nakaramdam ka ng pagtatraydor, at hindi mo na siya mapapagkatiwalaan pang muli. Sabihin mong kailangan niyang putulin ang pakikipagkaibigan sa taong nagdala sa kanya sa inuman dahil masamang impluwensiya ito sa kanya.
- Sabihin mo sa kanya na ang kaligtasan niya ang pinakamahalagang bagay sa iyo sa mundo. Ipaliwanag mo na ang mga patakaran ninyo ay ginawa dahil sa pagmamahal mo sa kanya at sa pag-aaruga sa kanyang kalagayan. Itanong mo kung bakit siya nagsinungaling sa iyo. Pakinggan mo ang paliwanag niya at intindihin mo ang dahilan niya. Makipag-usap ka sa kanya para alamin ninyo pareho kung paano ninyo matutugunan ang pangangailangan niyang maging malaya o independent habang pinangangalagaan din ang kanyang kaligtasan.
- Paluin mo siya ng sinturon sa pagsisinungaling sa iyo.
“Pag-isipan ninyong mabuti ang mga sumusunod na sagot, piliin ninyo ang pinakamainam na tugon, at pag-isipan ninyo kung bakit ito ang tama.Alin sa mga tugon na ito ang tutulong sa inyong marating ang pangmatagalang layunin ninyo?”
Ang sagot ay (2).
Ang positive discipline ay isang mahalagang abilidad na mapraktis. Isipin ninyo kung anong klaseng tao ninyo gustong maging ang anak ninyo paglaki nila. Ano ang pangmatagalang layunin ninyo para sa kanila? Maging mas mulat dapat kayo sa mga emosyon ninyo para mapipigilan ninyong makagawa o makapagsabi ng bagay na pagsisisihan ninyo sa paglaon. Huwag gagamit ng karahasan laban sa mga anak ninyo kahit anuman ang nagawa nila.
Key Message