Activity Plan 3: Pag-iwas sa Pagbubuntis: Tama o Mali 1
Objectives• Matukoy ang mga kathang-isip at mga katotohanan tungkol sa pag-iwas sa pagbubuntis
• Matukoy kung paano maiwasan ang panganib ng maagang pagbubuntis
Description• Group Exercise and discussion
Materials• ‘TAMA’ at ‘MALI’ na mga sign
• Pag-iwas sa Pagbubuntis handout
Oras30 na minuto

Instructions

1. Maglagay ng ‘TAMA’ na sign sa isang banda ng venue at sa kabila naman ang ‘MALI’ na sign.

Ang kanang bahagi ay para sa “agree” at ang kaliwang bahagi ay para sa “disagree.” Ilagay mo ang agree at disagree signs sa mga bahaging ito.

2. Sabihin mo ito:

“Natukoy na natin ang ilang panganib na maaaring kaharapin ng mga kabataan ngayon, pati na ang kanilang sanhi at magiging epekto nito sa buhay nila. Para maprotektahan ninyo nang husto ang mga anak ninyo, kailangang alam ninyo ang tamang impormasyon tungkol sa pag-iwas sa pagbubuntis, at sa sexually transmitted infections, pati na sa HIV at AIDS.”

Paalala sa Facilitator: Hindi kinakailangang alam ninyo lahat ng sagot! Pero kung may sapat na kayong kaalaman, magiging mas mainam kayong tagapagbigay ng tamang impormasyon

“Ngayon, maglalaro tayo ng Tama o Mali para makita natin kung alin dito sa mga impormasyon natin ang naiisip ninyo bilang tama o mali. Okey lang kung hindi kayo sigurado sa sagot. Puwede kayong tumayo sa gitna lang kung gano’n, at pag-uusapan natin iyon mamaya bilang grupo.Tandaan ninyong isa itong ‘safe space’ o ligtas na lugar para sa ating lahat, at narito tayo para suportahan ang isa’t isa.”

3. Sabihan ang participants na makinig mabuti sa mga babanggiting statement, at pag-isipan nila kung ito ay tama o mali, at saka sila pumunta at tumayo sa nararapat na sign.

Magbasa ng isang statement o pangungusap at papuntahin ang mga participant sa ‘Tama’ o ‘Mali’.

4. Ibigay ang tamang sagot.

Bigyan ng panahong mag-usap o mag-debate ang participants tungkol sa sagot nila.

StatementSagot
Ang isang babae ay puwedeng mabuntis kahit isang beses pa lang siyang makipag-sex.TAMA! Ang babae ay puwedeng mabuntis kahit isang beses lang siyang makipag-sex
Kapag hindi dinatnan ng regla ang isang babae, ang ibig sabihin nito ay buntis siya.SIGURO! Kapag hindi agad dinatnan ang babae sa takdang araw ng kanyang regla, baka nga buntis siya. Pero may iba pang dahilan kung bakit hindi pa siya dinaratnan. Para malaman niya kung bakit, kailangang kumunsulta siya sa doktor.
Puwedeng mabuntis ang babae kahit meron siyang regla.TAMA! Medyo bihira ito, pero posible pa ring maganap.
Makakapigil ng pagbubuntis ang pagsuntok o pagtalon sa puson ng isang babae.MALI! Hindi ito makakapigil sa pagbubuntis, at isa itong karahasan laban sa kababaihan.
Ang mga lalaki ay puwedeng maglabas ng sperm o tamod simula sa puberty hanggang sa mamatay siya.TAMA! Ito ay normal sa mga lalaki. Pwede silang makabuntis kahit anong edad simula puberty stage.
Ang mga babae ay puwedeng maglabas ng egg cells o itlog sa buong buhay niya.MALI! Ang babae ay naglalabas ng egg cells o itlog galing sa obaryo simula sa unang regla niya hanggang sa mag-menopause na siya.
Kapag tinuli ang batang lalaki, hindi na siya makakapaglabas ng sperm at hindi na siya tatangkad pa.MALI! Walang epekto ang pagtutuli sa sperm o sa pagtangkad.
Ang mga lalaki ay puwede nang makabuntis mula sa unang beses nilang mag-ejaculate ng sperm, kahit na nasa murang edad pa lang sila.TAMA! Puwede nang makabuntis ang isang batang lalaki mula sa unang beses niyang magkaroon ng sperm hanggang sa mamatay siya.
Hindi makakabuntis kung nilabas ang ari ng lalaki bago mag-ejaculate.MALI! Ito ang tinatawag na withdrawal method. Maaaring may sperm o semilya na lumabas na bago mag-ejaculate.
Kapag nalaman ng isang babae na buntis siya, dapat niya itong ilihim.MALI! Hindi dapat inililihim ang pagbubuntis. Kailangan niyang kumausap ng isang matandang pinagkakatiwalaan niya, at pumunta sa isang health facility para makakuha ng tamang pangangalaga sa nagbubuntis.

5. Kapag nabasa na lahat ng statements o kung ubos na ang oras para sa activity na ito, bigyan ang bawa’t participant ng kopya ng Pag-iwas sa Pagbubuntis.

Basahin ito nang sabay-sabay.

6. Itanong mo ito:

“Ano ang gagawin ninyo kapag nalaman ninyong nakikipag-sex na pala ang inyong adolescent?”

Ang mas ulirang SAGOT:

  • Huwag magagalit o sisigaw. Hindi ito ang tamang paraan para makuha ang gusto mong malaman mula sa anak mo.
  • Sa kalmadong paraan, tanungin mo kung kanino siya nakikipag-sex. Importanteng malaman kung ito ba ay kaedad niya o mas matanda. Kung sobrang mas matanda ito nang di hamak sa anak mo, sexual abuse itong maituturing, kahit na may kasunduang sila bilang magkarelasyon.
  • Sa kalmadong paraan, tanungin mo kung gumamit sila ng condom. Tanungin mo rin kung gumamit sila ng iba pang uri ng contraception.
  • Samahan mo ang anak mo sa health center at ipaliwanag doon kung ano ang sitwasyon. Humingi kayo ng abiso sa susunod na gagawin.

7. Sabihin mo ito:

“Maraming paraan ng pag-iwas sa pagbubuntis na libre sa mga health center at pampublikong ospital. Maari rin bumili ng mga ito sa mga botika at tindahan.

Sa ilalim ng Responsible Parenthood – Reproductive Health (RPRH) Law, ang mga menor de edad ay kailangang makuha ang permiso ng magulang kapag hihingi sila ng contraceptive mula sa mga health center. Ang ibig sabihin nito, kung nais ninyong maiwasang mabuntis o makabuntis ang anak ninyo para sa kalusugan at kapakanan nila, kailangan ninyo silang bigyan ng permiso. Maari ding matutunan ng mga kabataan ang natural family planning para marami silang kaalaman paano maproteksyunan ang kanilang sarili.”

Pag-iwas sa Pagbubuntis

  1. Delay – Ipagpaliban ang pagsisimulang mag-sex hanggang handa na ang katawan, pag-iisip, at emosyon.
  2. Abstinence – Huwag nang makipag-sex.
  3. Contraceptives – Gumamit ng family planning.

Kumunsulta sa health center para makapili ng family planning method na angkop at hiyang sa iyo. (Kailangan nga mga kabataang wala pang edad 18 ang pagsangayon ng mga magulang para makakuha ng libreng family planning sa mga health center at pampublikong ospital.)

100% Completed
Activity Plan 3: Pag-iwas sa Pagbubuntis: Tama o Mali 1 – SCP H2H Facilitator’s Manual